CCNCI JOINS STONEWALL PHILIPPINESš³ļøāš
- 7 hours ago
- 2 min read
Nakiisa ang Climate Change Network for Community-based Initiatives sa pagdiriwang ng ika-2 taon ng Stonewall Philippines nitong nakaraang Hunyo 26, 2026 sa Liwasang Bonifacio, Manila. Layunin ng pagdiriwang na isabuhay ang militanteng diwa ng pakikibaka para sa karapatan ng mga komunidad ng LGBTQIA+ at pagkilala na ang pride, higit sa lahat, ay isang protesta na binuo mula sa pagkakaisa ng taumbayan.
Ayon sa pahayag ng grupo, nagsimula ang pride mula sa hidwaan sa pagitan ng komunidad at ng marahas na mga awtoridad noon sa Stonewall Inn, New York City. Nangyare ang kaguluhan sapagkat laganap ang diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay na nararanasan ng mga miyembro ng mga komunidad at saksi ang mga naunang nakibaka sa marahas na katangian nito.
Ilang dekada mula ng maibato ang unang ladrilyo na siyang sisiklab sa pakikibaka para sa karapatang pantao, malayo na ang narating natin at higit na mas malawak ang naaabot ng panawagan ng mga miyembro ng komunidad sapagkat mayroong bakla sa bawat batayang sektor ng lipunan. Iginiit ng grupo na mananatiling protesta ang Pride sapagkat inihahabi ng sangkabaklaan ang laban nila sa pakikibaka ng bawat sektor ng lipunan.
Mula sa panawagan ng taas-sahod hanggang sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, marka ng mapagpalayang diwa ng LGBTQIA+ ang pakikiisa nito sa pakikibaka ng taumbayan. Walang baklang tunay na malaya kung ang karapatan ng taumbayan ay nagagapi.
Kasama ang sangkabaklaan sa pagkamit ng tunay na hustisyang pangklima sapagkat higit na mas mabigat ang epekto ng krisis sa mga miyembro ng komunidad. Sa katunayan, marami ng pananaliksik ang nagpapatunay na sanhi ang diskriminasyon sa patuloy na pagksadlak ng mga komunidad ng LGBTQIA+. Dala ng pamamayagpag ng patriyarkal-machismo sa bayan, pinagkaitan ang mga miyembro ng komunidad ng karapatan sa mga batayang serbisyo kagaya ng pabahay, lupa, kalusugan, at tubig.
Tambad din ang ganitong kultura sa loob ng lehislatura kung saan isang mahabang diskusyon pa ang mga karapatang pantao na noon pa lamang ay dapat ipinagkaloob na sa taumbayan. Mga pangunahing karapatang sibil na kamakailan lamang nakilala sa mata ng batas. Kulang-kulang ang mga espasyo para sa politikal na partisipasyon ng sangkabaklaan kaya sa pagtatanghal ng mga militanteng pagkilos nito iginigiit ang kaniyang karapatan sa wastong pamumuhay malaya sa pang-aalipusta ng isang mapanupil na estado.
Bilang tagapagtaguyod ng hustisya pangklima, kailangan kilalanin na isang salik ang kasarian sa lumalalang krisis. Mga balangkas ng hindi pagkakapantay-pantay na siyang nagpapalago sa mga inhustisya ng bayan. Ang bakla na ang siyang nagpasya na pumanday at humulma ng mas makataong lugar sa lipunan sa gitna ng karahasan ng estado.
Kaya bago matapos ang buwan ng Pride, kasama ang mga makakalikasan sa pagsusulong ng tunay na pagkilala sa bawat kasarian sa lipunan sapagkat walang Pride sa nakagapos na militanteng diwa ng bawat isang Pilipino.
Makibeki, huwag mashokot!




Comments