top of page

Ika-31 taon ng Philippine Mining Act of 1995 ⛏️

  • 1 day ago
  • 3 min read

Nagsilbing lagusan ang Philippine Mining Act of 1995 upang makapasok ang mga dambuhalang dayuhang korporasyon na naglalayong minahin at pagsamantalahan ang likas-yaman ng ating bayan. Kinilala ang naturang batas bilang programa ni dating Pangulong Fidel V. Ramos upang buhayin muli ang industriya ng pagmimina ngunit 31 taon makalipas ay bakas pa rin ang pinsalang iniwan nito sa kalikasan.


Iginiit ng pananaliksik ni Dr. Roberto Raymundo ng De La Salle University na maraming ibinigay na tax incentives sa mga dayuhang korporasyon ang naturang batas at naging posible ang 100% foreign ownership ng mga minahan sa ilalim ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA). Gayunpaman, iginiit ng pananaliksik na marami sa mga lupa na kinalalagyan ng mineral reserves ay matatagpuan sa mga lupang-ninuno ng mga katutubong populasyon.


Hinggil dito, tumindi ang panliligalig ng mga dayuhang korporasyon upang paalisin ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno. Hinamon din ng mga katutubo ang naturang batas ukol sa konstitusyonal na batayan nito. Sa katanuyan, idineklarang unconstitutional ng korte suprema ang naturang batas noong 2004 sa kasong “La Bugal B’laan Tribal Association vs. Ramos” ngunit dahil sa mga pagkilos ng mga negosyante at mga grupo na suporta sa pagmimina ay nabaligtad ang naturang desisyon.


Batid pa rin natin sa kasalukuyan ang masidhing epekto ng Philippine Mining Act of 1995. Konkretong inilalarawan ng mga residente, katutubo, at magsasaka kontra-mina ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya at ng Macarthur, Leyte ang patuloy na paglaban ng taumbayan sa mapanirang minahan na hinahadlangan ang kanilang pamumuhay. Sa likod ng mayabong na industriya ng pagmimina ay ang mga kaso ng panliligalig, panlilinlang, at karahasan sa kamay ng mga dayuhang korporasyon.


Ngayong ika-31 taon ng Philippine Mining Act of 1995, ihahain muli ng mga makabayang kinatawan sa kamara ang People’s Mining Bill (HB 4135) bilang konkretong oposisyon sa neoliberal na polisiya na nakatuon sa paghalina ng dayuhang kapital. Nakikiisa ang Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) sa patuloy na pakikibaka para sa pagsulong nito.


Itinatag ang Philippine Mining Act of 1995 upang pagsilbahan ang pribadong interes ng mga dayuhang korporasyon ng hindi isinasaalang-alang ang tunay na hinaing ng mga katutubo, magsasaka, at residente ng mga apektadong komunidad. Mayaman ang Pilipinas sa likas-yaman ngunit dahil sa katiwalian sa loob ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ay dayuhan lamang ang nakikinabang dito.


Mahalagang bigyang diin na ang bawat proseso ng pagmimina ay may masidhing epekto sa lumalalang krisis sa klima. Ang mga makinarya na ginagamit sa pagmimina ay kumukonsumo ng galon-galon na krudo, ang mga puno ay pinuputol, ang kabundukan ay pinapatag para lamang pagyamanin ang kaban ng mga dayuhang bansa. Naninindigan ang CCNCI na ang pagpapanatili sa natural na kaayusan ng kalikasan ang siyang pinakamabisang kalasag laban sa dumadalas na unos sa ating bayan.


Ang matinding pinsala sa kalikasan na dala ng minahan ay nangangailangan ng masidhing regulasyon. Bagamat bokal ang laban ng mga mamamayan sa pagmimina sa kanilang mga lungsod, namamayagpag pa rin ang kapabayaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na siyang salarin sa pagdami ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina sapagkat ang burukrasya ay napaglilingkuran ang interes ng pribadong sektor.


Upang muling ibalik sa taumbayan ang sariling-pagpapasya sa kayamanan ng kaniyang lupain, ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubo na manirahan sa kanilang lupang ninuno, at palaganapin ang hanap buhay ng mga magsasaka, kinakailangang isabatas ang People’s Mining Bill. Higit sa lahat, sa ngalan ng kapakanan ng kalikasan na siyang pangunahing pwersa laban sa lumalalang sakuna sa ating bayan, kailangan lutasin ang kasakiman ng mga dayuhang korporasyon na pinagsamantalahan ang ating likas-yaman.


𝐈𝐩𝐚𝐦𝐚𝐧𝐚, 𝐇𝐮𝐰𝐚𝐠 𝐈𝐩𝐚𝐦𝐢𝐧𝐚!

Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page