top of page

IKA-5 TAON NG TUMANDOK MASSACRE


Nagtulos ng mga kandila ang mga tanggol-kalikasan sa ika-5 taon ng paggunita sa Tumandok Massacre sa tarangkahan ng National Council of Churches of the Philippines (NCCP) upang manawagan ng hustisya para sa mga biktima nito.


Ipinahayag ni Bai Indigenous Women’s Network National Coordinator Kakay Tolentino na hindi pinaglilingkuran ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines ang kapakanan ng mga katutubo sapagkat sila mismo ang nagpapalaganap ng kultura ng karahasan, kriminalisasyon, at terror-tagging laban sa mga tanggol-kalikasan at tanggol-katutubo.


Iginiit nila na biktima din ng red-tagging at terror-tagging ang mga miyembro ng TUMANDUK mula sa mga nakalap na pahayag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Ang dalawang naturang ahensiya ay naging masusi daw sa pandarahas sa mga TUMANDUK sa ilalim ng pamumuno ni Allen Capuyan, isang retiradong heneral, na pinairal daw ang militarisasyon at mga atake sa mga komunidad.


Ayon sa mga grupo, ipinagpatuloy pa rin daw ng Administrasyong Marcos Jr. ang mga polisiyang pumapatay sa mga katutubo, kagaya ng mga polisiyang kontra-insurhensiya, sa kanayunan dahil sa lumalawak na militarisasyon sa mga komunidad.


Pinalawig naman ni Sandugo - Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination Co-Chairperson Amirah “Mek” Lidasan ang papel ng mga programa kontra-insurhensiya at kung paano ito ginagamit upang gawing lehitimo ang pagsupil sa kahit anong porma ng paglaban mula sa mga katutubo.


Binigyang diin naman ni Katribu National Convener Beverly Longid na ginugunita ang Disyembre 30 ngayong taon bilang Araw ng mga Tumandok na binabago ang paggunita sa naturang araw mula sa pagluluksa patungo sa pag-alala sa kabayanihan ng paglaban ng mga miyembro ng Tumanduk.


Nakikiisa ang Climate Change Network for Community-Based Initiatives (CCNCI) sa paggunita ng kabayanihan ng mga lider ng Tumandok at sa pagpapatuloy ng kampanya upang makamit ang hustisya na matagal ng naantala. Sa panayam ng CCNCI kasama si Kakay Tolentino, ipinahayag niya na mayroong magkahawig na pag-unawa ang mga katutubo sa kahalagahan ng kalikasan at kung paano nakaugat sa yaman nito ang buhay ng maraming Pilipino.


Kagaya nilang mga Dumagat, ang panghihimasok at pagkasira ng kanilang lupa aniya ay nangangahulugan ng pagkasira ng kanilang kabuhayan na binuo nila sa matagal na panahon. Silang mga katutubo ang siyang pangunahing pwersa na magliligtas sa tumitinding hagupit ng pagbabago ng klima.


Lumulutang sa katubigan na kinapapalooban ng Jalaur Mega Dam ang dumanak na dugo ng mga lider ng mga Tumanduk at mananatiling simbolo ng represyon, ng atrasadong kaunlaran, at ng kapabayaan ng gobyerno, pati na ang mga ahensiya nito, sa pagsusulong ng kapakanan ng mga katutubo na siyang pinakaunang tanggol-kalikasan.


Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page