SA AMIN ANG BUGSUK, HINDI SA SAN MIGUEL!
- Guest
- Dec 19, 2025
- 3 min read
Hinatid ng isang sheriff noong Disyembre 9, 2025 ang mga court summons laban sa mahigit 282 na mga residente ng Sitio Marihangin, Brgy. Bugsuk, Balabac, Palawan. Ayon sa mga residente, kabilang sa mga pinatawan ng court summon ang mga yumaong residente at batang paslit.
Nakasaad sa opisyal na dokumento na siyam (9) na mga hindi pinangalanang indibidwal ang naghain ng sibil na kaso (accion reivindicatoria) na naglalayong mapalayas ang mga katutubo mula sa kanilang mga tahanan sapagkat iginiit nila na pagmamayari daw nila ang lupa. Ang accion reivindicatoria ay isang legal na pamamaraan ng pagbabalik sa natatanging “may-ari” ng isang ari-arian base sa kaniyang mas nakatataas na batayan ng pag-angkin nito.
Pinandigan ng mga katutubo na angkop sa ancestral domain ng mga katutubong Molbog ang kanilang lupang ninuo at kahina-hinala ang mga titulo ng mga naturang indibidwal. Nahimatay ang isang residente na si Snica Moraco matapos malaman niya na isinama ang kaniyang yumaong anak na may kapansanan sa isinampa na kaso.
Inilabas naman ng Regional Trial Court ng Brooke’s Point, nitong Disyembre 15 lamang, ang isang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa mga residente ng Sitio Marihangin. Ipinahayag ni Marilyn Pelayo, ang pangulo ng Sambilog Marihangin Chapter, na luhaan ang mga residente ng komunidad ng malaman daw nila na hindi pumabor ang korte sa panig ng mga katutubo.
Tumatagal ng 20 araw ang TRO na nagsimula matapos matanggap ito ng mga residente. Pinagbabawal ng TRO ang mga naninirahan sa isla na pigilan ang pagpasok ng mga kinatawan ng siyam na mga indibidwal na may-ari ng titulo. Winawakasan nito ang matagal ng kampuhan ng mga katutubo sa pampang ng isla upang tabuyin ang mga nagtangka na pumasok sa kanilang isla.
Ayon sa pahayag ng Sambilog - Balik Bugsuk Movement, isang pananamantala ang desisyon ng RTC sa nakatakdang Christmas judicial break upang pigilan ang mga katutubo na mag sampa ng kontra-kaso laban sa mga nagtatangka na angkinin ang kanilang lupang ninuno.
Dagdag nila na walang kahit na anong “development” ang magbibigay katwiran sa panliligalig sa kanilang mga katutubo ng estado. Ang kanilang pakikibaka ay nakaugat daw sa kanilang lupa at walang kahit na anong pagbabanta sa kanilang buhay ang magpapatinag sa kanila.
Nakikiisa ang Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) sa patuloy na pakikibaka ng mga residente ng Sitio Marihangin, Brgy. Bugsuk para sa pagkakakilanlan ng kanilang karapatan na pag-arian ang kanilang lupang ninuno. Bilang mga katutubo na may mahabang kasaysayan na nakaugat sa kanilang lupa, kinakailangan galangin ng mga kinauukulan na mga awtoridad ang kanilang ancestral domain.
Binibigyang diin din ng CCNCI ang mahabang kasaysayan ng kapabayaan ng mga institusyon at ahensya ng mga gobyerno sa paninindigan nila upang paunlarin ang kapakanan ng mga katutubo sa bayan. Kabilang na dito ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na nanatiling tahimik sa patuloy na karahasan na nararanasan ng mga komunidad sa Mindanao.
Ayon sa datos mula sa Katribu - Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, mayroon ng naitalang 10 kaso ng pambobomba ng militar sa lupain ng mga katutubo magmula ng maupo si Pangulong Marcos Jr. Iginiit ng grupo na inamin ng ahensya na walang pahayag na inilabas ang NCIP ukol sa pambobomba ng militar.
Utos din ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III ang pagtanggal ng Notice of Coverage (NOC) na isang pormal na dokumento na nilalagay ang mahigit 10,821 na ektarya ng lupain ng mga katutubo sa saklaw ng repormang agraryo. Nagsagawa ng hunger-strike protest ang mga katutubo sa tapat ng DAR upang humingi ng diyalogo kay Secretary Estrella III ngunit nabigo sila sa kanilang kampanya.
Naninindigan ang CCNCI na hindi dapat ginigipit ang mga katutubo sa ngalan ng pagkamit ng kaunlaran sa kanilang lupain. Kinakailangan kilalanin ng mga ahensya ng gobyerno na nakatali ang kahulugan ng kaunlaran sa konteksto at ikinabubuhay ng tao sa kaniyang lupa.
Bilang mga magsasaka at mangingisda, ang imahe ng kaunlaran para sa kanila ay tunay na reporma sa lupa, pagtigil sa mga proyekto na siyang sanhi ng pamamayagpag ng development aggression sa mga lupa ng katutubo, at ang pagkilala sa kanilang karapatan na mamuhay sa lupang ninuno.
𝗦𝗶𝗹𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝘂𝗻𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝘁𝗮𝗻𝗴𝗴𝗼𝗹-𝗸𝗮𝗹𝗶𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝗽𝗮𝗴𝗹𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗵𝘂𝘀𝘁𝗶𝘀𝘆𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗹𝗶𝗺𝗮!


























Comments