top of page

TAUMBAYAN LABAN SA PHILIPPINE MINING ACT OF 1995! 🏔️

  • 1 day ago
  • 2 min read

Ayon sa datos ng Mines and Geosciences Bureau noong 2023 mayroong 56 na mga minahan na pinapatakbo ng iba’t ibang mga korporasyon. Kung hihimayin pa ang datos, tahanan ang Pilipinas ng higit kumulang 12 mga gold mines, 3 mga copper mines, 4 mga chromite mines, 33 mga nickel mines, at 4 na mga iron mines.


Tinatayang Php 481.45 bilyon ang kabuuang halaga ng ating mga Class A gold, copper, nickel, at chromite reserves ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority. May kabuuang bigat na 357.11 thousand kilograms ang ating mga gold reserves, 4.02 milyong metric tons ang ating mga copper reserves, 612.98 milyong dry metric tons ang ating mga nickel reserves, at 66.34 milyong metric tons ang ating mga chromite reserves.


Lumalaki lamang ang naturang industriya ng pagmimina sapagkat ayon sa datos ng MGB noong Pebrero 28, 2025 na 692 ang inaprubahan na mga mining permits at kontrata sa buong bansa. Ang mga rehiyon ng Gitnang Luzon, Ilocos, at Zamboanga Peninsula ang tatlo sa mga may pinakamaraming inaprubahan na mga mining permits.


Bagamat mataas ang hinuhukay na halaga ng industriya ng pagmimina, tinatayang 0.95% lamang ang ambag ng mga minahan sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP) noong 2023 at tinatayang 85% ng kabuuang halaga na minina mula noong 1997 ay napunta lamang sa ibang bansa.


Sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995, pinahihintulutan nito ang 100% foreign ownership ng ating mga minahan sa pamamagitan ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA). Dahil dito, lumobo ang bilang ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina na siyang sanhi ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao, pagpapalayas ng mga katutubo sa kanilang lupang-ninuno, at kawalan ng kabuhayan sa mga apektadong komunidad.


Binigyang diin ni Lory Aguada ng Dupax del Norte (DDN) Environment Defenders na kabuhayan ang pinapatay ng mapanirang minahan sa kanilang komunidad. Bilang isang komunidad ng mga magsasaka na namumuhay sa kanilang pananim, labis ang epekto ng pagmimina sa kanilang kabuhayan.


Nakiisa si Cordillera Peoples Alliance - Kalinga Chairperson Juan Dammay sa pakikibaka kontra-mina ng mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya at iginiit na parte ang mga komunidad ng Kalinga sa malawak na pakikibaka laban sa pandarambong ng mga mapanirang minahan.


Maraming katutubo din ang napalayas na dahil sa mapanirang minahan ayon kay Kim Falyao ng Bai Indigenous Women’s Network. Kaakibat daw ng pagpapalayas ang militarisasyon na sanhi ng panliligalig sa mga katutubo na mapayapang namumuhay lamang sa kanilang mga lupain. Upang muling bigyang kapangyarihan ng sariling-pagpapasya ang mga katutubo, kinakailangan na depensahan ng mga katutubo ang lupang-ninuno laban sa mapanirang mina.


Binalikan naman ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Mong Palatino ang mga pangako ng Philippine Mining Act of 1995 sa ika-31 taon mula ng maisabatas ito. Ayon kay Palatino na hindi nakamit ng naturang batas ang ipinangako nito at naging lunsaran pa ito sa lumalalang pananamantala ng mga dayuhang korporasyon. Hinamon niya rin si pangulong Marcos Jr. na ipakita ang isang komunidad na lumago sa presensya ng dambuhalang pagmimina sapagkat sanhi lamang daw ito ng pagkamatay ng maraming kabuhayan.


𝐀𝐛𝐨𝐥𝐢𝐬𝐡 𝐭𝐡𝐞 𝐏𝐡𝐢𝐥𝐢𝐩𝐩𝐢𝐧𝐞 𝐌𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐀𝐜𝐭 𝐨𝐟 𝟏𝟗𝟗𝟓!

Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page