top of page

BINAHA ANG LUNETA NG GALIT NG SAMBAYANANG PILIPINO!


Mahigit 20,000 na mga Pilipino ang nakiisa sa ‘Baha sa Luneta 2.0’ upang tahasang kondenahin ang laganap na korapsyon sa loob ng pamahalaan. Dala–dala ng iba’t ibang sektor ang kanilang mga panawagan ngunit pinag-isa ang malawak ng hanay ng panawagan upang panagutin ang tumitinding katiwalian sa loob ng pamahalaan.


Pangunahin na dito ang pagbibitiw sa pwesto ni na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ni Bise-Presidente Sara Duterte na iginigiit ng hanay na mga nangunguna sa pangungurakot sa ating kaban ng bayan. Nadinig ang mapagpalayang tinig ng malawak na hanay ng sambayanang Pilipino sa lansangan patungo Mendiola Peace Arch ngunit hinirang sila ng kapulisan.


Isang malapad na barikada ng semento, bakal, at alambre ang bumati sa mga lehitimong panawagan ng sambayanang Pilipino. Sinubukan ng mga lider na kausapin ang kapulisan ngunit hindi sila pumayag. Sigaw ng taumbayan na ang siyang mismong sumumpa na protektahan ang Sambayanang Pilipino, ang siyang mismong pinoprotektahan ang mga kurakot ng bayan.


Sa usapin ng kampanya sa pagsusulong ng hustisyang pangklima, masidhi ang epekto ng korapsyon sa ating kalikasan. Ang siyang katiwalian na pinairal ang gahaman na tiwaling politiko ang sumira mismo sa kapakanan ng taong pinaglilingkuran niya. Marami ang hindi pa nakakabangon mula sa pinsala ng sakuna.


Mahigit 20 na bagyo at 100–150 na mga lindol ang tumatama sa ating bansa sa bawat taon. Dalawampu’t isang taon ng nangunguna ang Pilipinas sa rango ng 2025 World Risk Index para sa mga “at-risk” na bansa sa buong mundo dulot ng Pacific Ring of Fire at ng typhoon belt na siyang sanhi ng madalas na pagtama ng lindol at bagyo sa bansa.

Ayon sa pagaaral ng World Bank, tinatayang mahigit $3.5 bilyon ang naitatalang halaga ng pinsala sa bawat taon. Inanunsiyo ng Kagawaran ng Agrikultura na umabot ng mahigit P1.95 bilyon ang naitalang pinsala ng mga nakaraang bagyo sa sektor ng mga magsasaka.


Hanggang sa kasalukuyan, tumataas ng 259 ang naitalang bilang ng mga nasawing buhay mula sa mga nakaraang bagyo. Mahigit 114 tao pa rin ang nawawala sa bansa. Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang 135,000 na bahay ang tinangay ng rumaragasang tubig dala ng bagyong Tinio.


Hindi pa nakakabangon ang mga nasalanta at sumunod na bumagsak ang Typhoon Uwan sa ating bansa. Ipinapahayag ng datos mula sa Kagawaran ng Edukasyon na mahigit 1,800 na mga classroom sa mahigit 312 na mga paaralan ang nasira ng hagupit nito. Nagsilbi ring evacuation center ang mahigit 5,572 na mga classroom sa mahigit 1,072 na paaralan sa 11 na rehiyon na tinamaan ng bayo.


Sa kabuuan, hindi lamang bahay o kabuhayan ang tinatangay ng rumaragasang baha ng bagyo. May mahabang kasaysayan na ang hindi malutas-lutas na isyu ng mga likas na sakuna ngunit sa likod ng lumalalang estado ng ating bayan ay isang pamahalaan na may higit na mas mahabang kasaysayan ng kapabayaan.


Ang korapsyon ay nakakamatay. Sa bawat piso na binubulsa ng mga tiwaling politiko ay isang dagdag na buhay na itatalang datos sa susunod na babagsak na bagyo. Sistema na ang kalaban ng tao sa hindi malutas–lutas na problema ng sakuna sapagkat siyang makinarya sa loob nito ang nagluluwal sa mga tiwaling politiko na hango mula sa mga dinastiya.

Sila-silang mga pangalan na nagpapasahan ng kapangyarihan sa kanilang mga kaanak ang siyang mismong rason kung bakit maraming Pilipino ang nananatiling naghihikahos sa isang bayan na sagana ang lupa.


Sa daan patungo sa pagkamit ng hustisyang pangklima, kinakailangan mayroong managot sa matagal na kasaysayan ng kapabayaan sa paghahanda sa sakuna sapagkat ang kurakot ay pumapatay ng taong binawian ng pagkakataon na makaahon mula sa rumaragasang tubig baha.


Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page