top of page

BICOL FARMERS SCHOOL: MAKATAONG AGRIKULTURA, PARA SA MASA 🌱

  • 2 days ago
  • 5 min read

BICOL FARMER’S SCHOOL: MAKATAONG AGRIKULTURA, PARA SA MASA

Itinatag noong 2017 ang Bicol Farmers School (BFS) sa pangunguna ng Tarabang Para sa Bicol Inc. (TABI) na may simpleng adhikain na payabungin ang kampanya ng likas-kayang pagsasaka. Binubuksan ang paaralan para sa mga magsasaka, kababaihan, at kabataan upang mabigyan sila ng lapat na teknolohiya na kakailanganin nila sa kanilang mga komunidad. 


Sa kasalukuyan, nakapagpa-aral na ang BFS ng mahigit anim (6) na pangkat na binubuo ng mahigit 20 na mga mag-aaral na hango mula sa iba’t ibang mga batayang sektor. Kwento ni Dr. Rose Ann Sambo, ang tumatayong direktor ng paaralan, marami sa mga nakapagtapos ay aktibo sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa kanilang mga komunidad.


Mayroong mga instruktor ngayon ang TABI - BFS na dating mga mag-aaral ng paaralan habang ang iba naman ay aktibo ang pakikilahok sa mga iba’t ibang kolektibo at organisasyon ng mga magsasaka na tumutulong sa pagtugon sa lokal na mga hinaing ng komunidad. 


Natatangi ang TABI - BFS sapagkat ito lamang ang paaralan ng mga magsasaka sa rehiyon ng Bicol na nakatuon sa pagtuturo ng agroekolohiya bilang isang likas-kayang pagsasaka n na may diin sa pangmatagalan na bentahe nito. Nabibigyang kahulugan ito bilang isang porma ng agrikultura na makatao, para sa tao, at gawa ng tao. 


SA LOOB NG BICOL FARMERS SCHOOL 

Tumatagal ng mahigit tatlong (3) buwan ang kurikulum ng BFS kung saan tinatalakay ang iba’t ibang mga paksa na bumubuo sa praktika ng agroekolohiya. Nakatira ang mga mag-aaral sa sakahan mismo at hinahati sila sa tatlong pangkat na may sari-sariling mga gawain at espasyo upang praktikal na isagawa ang kanilang mga natutunan sa loob ng silid-aralan. 


Paliwanag ni Dr. Sambo na nakabatay ang porma at istruktura ng kurikulum sa mga konkretong pangangailangan ng mga estudyante bilang isang magsasaka. Iniiwasan ng TABI - BFS na maging masyadong teknikal ang kurikulum sapagkat nakatuon ito sa pagbibigay ng angkop na teknolohiya at kaalaman batay sa karanasan ng mga lokal sa kanilang mga komunidad. 


Nagsisimula ang kurikulum sa talakayan ng mga sitwasyon ng mga komunidad sapagkat ito ang nagtatakda ng direksyon sa pag-aaral ng mga magsasaka at nagbibigay katwiran sa praktika ng agroekolohiya. Sinusundan ito ng pagpapakilala sa mga mag-aaral ng mga pangunahing konsepto sa agrikultura upang mabigyan sila ng matibay na pundasyon.


Pagkatapos ang mga pambungad na paksa, itinuturo naman ang mas teknikal na aspeto ng agrikultura kagaya ng lupa, pananim, pag-aalaga sa mga hayop, at pag proseso sa mga naani na mga pananim. Itinuturo din ng Tabi - BFS ang mga natatanging paksa kagaya ng electrical at troubleshooting ng mga makinarya na makikita lamang sa mga komunidad ng mga mag-aaral. 


Sa pagtatapos ng bawat linggo, mayroong ginagawang ebalwasyon upang kamustahin at suriin ang lagay ng mga mag-aaral na namumuhay sa sakahan. Pahayag ni Dr. Sambo na ito ang nagsisilbing kalakasan ng paaralan sapagkat mula sa mga mungkahi at komento ng mga mag-aaral binubuo at pinatibay ang kurikulum ng paaralan.


Dynamic o nakaayon sa pangangailangan at konteksto ng mga mag-aaral ang kurikulum ng TABI-BFS. Katunayan nito, tinatanggal ang  mga paksa na hindi akma sa konteksto ng kasalukuyang pangkat ng mga mag-aaral. Halimbawa ni Dr. Sambo ang aquaculture na ayon sa kaniya ay akma lamang daw sa mga mag-aaral na galing sa mga baryo na malapit sa baybayin. 


Kumukuha ang paaralan ng mga instruktor sa iba’t ibang mga akademikong institusyon sa rehiyon ng Bikol. Bida ni Dr. Sambo na marami nang propesyonal mula sa akademiko ang nagpamalas ng kanilang mga teknikal na kaalaman sa mga estudyante ng paaralan. 


Kabilang na dito ang Sorsogon State University at Bicol State University - College of Industrial Technology, dalawang institusyon na pinagkukunan ng Tabi - BFS ng mga instruktor at teknikal na kaalaman sa sakahan na bunsod ng lumalawak at matatag na kolaborasyon ng paaralan at ng akademiya. 


Hinihikayat ng Tabi - BFS ang lahat ng mga guro at mananaliksik ng akademiya na tumungo sa sakahan at makibahagi sa mga magsasaka sapagkat iginiit nila na sa pakikisalamuha sa mga taong pinaglilingkuran lamang natin mauunawaan ang tunay na lagay nila.


Ang tunay na paglilingkod sa masa ay ang paglabas sa apat na sulok ng kaginhawaan ng akademiya at tahasang hinaharap ang reyalidad ng lipunan. Iginiit ni Dr. Rose na walang saysay ang kaalaman kung hindi ito nakaugat sa tunay na hinaing ng mga komunidad. 


ANO ANG PAGSASAKA PARA SA TAO? 

Bilang isang praktika na nakaugat sa reyalidad ng mga magsasaka, inaasahan na malawak ang saklaw ng agroekolohiya. Sa katunayan, kasama ang lawak nito sa pagbibigay ng konkretong  kahulugan sa natatanging praktika na inugatan sa tunay na kondisyon ng mga magsasaka. 


Ang materyal na kondisyon ng mga magsasaka ang siyang mismong bumubuo ng pangangailangan na nagpapakilos sa kanila na humulma ng isang praktika sa loob ng sakahan batay sa kanilang karanasan.

 

Katwiran ni Dr. Sambo na hindi pwedeng konkretong isagawa ang naturang praktika ng walang sapat na pag unawa sa mga salik ng lipunan na nakakaapekto sa pagsasabuhay nito ng mga magsasaka. Iginiit niya na sa likod ng praktika ng agroekolohiya sa sakahan, ang mahabang usapin sa mga salik ng lipunan bumubuo nito.


Pangunahin na dito ang usapin ng kalikasan at kung paano dinedesenyo ang teknikal na kaalaman mula sa akademiya upang maging angkop sa kasalukuyang lagay nito. Karatig nito ang usapin ng politika na sinasalamin ang hidwaan sa pagitan ng mga organisasyon kagaya ng Tabi - BFS na matagal ng isinusulong ang agroekolohiya sa mga sakahan at ang mga programa ng lokal na pamahalaan na nakatuon pa rin sa mga synthetic at chemical na input.


Naangkop din daw ito sa usapin ng mga organisasyon at kilusan sapagkat binibigyang diin ng agroekolohiya ang bayanihan at pakikipagkapwa ng mga magsasaka sa kanilang mga komunidad upang matiwasay ang pagsasagawa nito. 


Pahayag din ni Dr. Sambo na ang likas-kayang pagsasaka ay mayroong emosyonal na aspeto sapagkat ginagalang ng praktika ng agroekolohiya ang likas na kakayahan ng lupa at kalikasan na makapagbigay sa komunidad na pinaglilingkuran ng mga magsasaka. 


Bagamat mas matrabaho ang proseso, hinihigitan ito ng mga pangmatagalan na bentahe kagaya ng pagbawas sa gastos ng mga magsasaka, pagpapanatili sa kalusugan ng lupa upang masiguro ang matagal na pag–ani, at ang pagtugon nito sa sakuna.


ANG KINABUKASAN NG AGROEKOLOHIYA

Gayunpaman, mayroong mga hakbangin sa pagsusulong ng agroekolohiya. Sa loob ng pamahalaan, masidhi ang kakulangan ng mga polisiya na tumutugon sa lumalalang estado ng ating klima. 


Sa nakaraang Climate Change Performance Index (CCPI), isang ulat na binabantayan ang mga inisyatiba ng mahigit 63 na bansa at ang Unyong Europeo upang bawasan ang kanilang mga emisyon,  bumaba ng 12 baitang ang Pilipinas na nagtamo ng 19 na ranggo na pumapagitna sa mga kalahok na bansa. Paliwanag ng CCPI na mababa sa pandaigdigang sukat ang kabuuang emisyon ng bansa at may masidhing kakulangan ang bansa sa climate policy at renewable energy. 


Ukol sa ating mga politiko, iginiit ni Dr. Sambo na mayroong masidhing kakulangan sa kaalaman ang ating mga pampublikong opisyal. Katwiran niya na kinakailangan bigyang kaalaman ang ating mga politiko ukol sa mga masidhing isyung panlipunan sa ating bayan sapagkat malaking balakid  ang burukrasya sa pagkamit ng tunay na pagbabago sa ating sektor ng agrikultura. 


Binigyang diin niya rin ang pangangailangan na makibahagi ang ating mga politiko sa mga sektor na pinaglilingkuran nila sapagkat kinakailangan mapakinggan nila ang tunay na mga hinaing ng sektor bago sila bumuo ng batas. 


Isa ang TABI-BFS sa may  konkretong praktika ng agroekolohiya sa loob ng sakahan. Hindi lang niya dala-dala ang matagal na bentahe ng naturang praktika ngunit malaki ang ambag nito sa pakikibaka ng bayan para sa pagkamit ng hustisyang pangklima at pagsugpo sa pinsala na dala ng mga sakuna. 


Kinikilala ng TABI-BFS ang inugatang komunidad ng bawat-isa at ang materyal na kondisyon ng magsasaka na kinakaharap niya sa loob at labas ng sakahan. Binuo ang paaralan sa paniniwala na pamana ang kaalaman, at ang siyang kaalaman ang may makapangyarihang kakayahan na hulmahin ang isang lipunan na binuo mula sa dugo’t pawis ng mga magsasaka. 



CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page