ENVIRONMENTALISTS SEEK JUSTICE FOR VICTIMS OF LANDFILL TRAGEDIES! 🏭
Noong Pebrero 20, 2026 gumuho ang tambakan ng basura sa Sitio 1B Harangan, Barangay San Isidro sa Rodriguez. Ayon sa pagtataya ng mga nakakita sa pagguho ng tambakan, higit 50 mga mangangalahig ang nabaon ng basura. Pinabulaanan ito ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) civil defense deputy spokesperson Diego Mariano at iginiit na 3 lamang ang nawawala sa pagguho ng basura.
Gayunpaman, tugma ang ulat mula sa mga residente at lokal na pamahalaan na mga mangangalahig ang mga buhay na natabunan ng basura. Nakiisa ang Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) noong Marso 15, 2026 sa isinagawa na solidarity mission ng iba’t ibang mga progresibong grupo. Nagkaroon kami ng pagkakataon na kausapin ang mga residente at kumpirmahin ang kanilang palagay sa inilabas na ulat ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez.
Tahasang kinondena nila ang pagtatangka ng MDRRMO Rodriguez na baguhin ang naratibo at pababain ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng basura. Iginiit ng mga residente na karamihan sa kanila ay takot pa rin magsalita o magpakita ng kanilang mga mukha sapagkat nakakaranas sila ng lumalalang intimidasyon at panliligalig sa kamay ng mga awtoridad. Wala rin natanggap na tulong ang mga residente mula sa lokal na pamahalaan. Naglunsad lamang ng imbestigasyon ang pamahalaang panlalawigan.
Noong nakaraang Enero 8, 2026 gumuho naman ang tambakan sa Barangay Binaliw sa Lungsod ng Cebu na natuklasang kumitil sa 36 na buhay at nag iwan ng 18 na sugatan matapos ang 10 araw na pagsasagawa ng mga search and rescue operations. Prime Integrated Waste Solutions Inc. (PWS) ang nangunguna sa operasyon ng tambakan na ginagamit ng mga lungsod ng Cebu, Lapu-Lapu, at Mandaue.
Sumiklab naman ang isang sunog sa isang tambakan sa Lungsod ng Navotas nitong biyernes ng Abril 10, 2026 na umabot ng tatlong araw bago maagapan ang rumaragasang sunog. Sa ika-6 na araw ng sunog, makikita pa rin sa tambakan ang makapal na usok na bumalot sa kapaligiran nito. Sinisi ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa pagsasara ng tambakan ang malawakang sunog sapagkat hindi daw ito na proseso ng maayos na siyang sanhi ng pagsiklab.
Sa isang kilos-protesta na ikinasa sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan - PNE), iginiit nila na hindi aksidente ang mga naganap na mga trahedya kung hindi kapalpakan ng mga pribadong pamamahala sa basura at ang patuloy na pagkanlong ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman sa pribadong interes ng mga naglalakihang kumpanya.
Iginiit ni Kalikasan - PNE National Coordinator Cathleen de Guzman na palpak ang DENR na subaybayan ang mga operasyon ng tambaka at nagpapasok pa ng basura lagpas sa kayang okupahin nito. Wika niya, ito ang mukha ng burukrata kapitalismo kung saan nangunguna ang kita at pribadong interes sa ating mga pampublikong opisyal imbis na protektahan ang taumbayan at ang kalikasan.




Comments