INTERNATIONAL DAY OF ACTION FOR RIVERS 🏞️
Ipinagdiriwang ng mga makakalikasan at mga katutubo ang International Day of Action for Rivers kaninang umaga ng Marso 13, 2026 sa pagkasa ng isang kilos-protesta sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City.
Itinuturo ng mga naturang grupo si Pangulong Marcos Jr. bilang salarin sa pagpapaunlak sa mga naglalakihang korporasyon upang bumuo ng mga proyektong ikinasisira ng tahanan ng mga katutubo.
Ayon kay Kim Falyao ng Bai Indigenous Network for Women, karamihan sa 21 na dam, 70 hydro power plants, 7 wind farms, at mahigit 60 na solar farms na umaandar sa kasalukuyan ay nakatayo sa lupang-ninuno ng mga komunidad ng katutubo. Dagdag niya na daan-daan din ang mga nakaamba na mga aplikasyon na naglalayon magpatayo ng mga magkahawig na proyekto.
Paliwanag ni Falyao na labis ang epekto ng mga naturang proyekto sa mga komunidad ng mga katutubo sapagkat sanhi ito ng malawakang pagpapalayas o kamatayan ng mga kabuhayan ng mga katutubong naninirahan sa pagtatayuan.
Idiniin naman ni Katribu Youth National Spokesperson Ryan Serquiña na may ginagampanang papel ang imperyalismong Estados Unidos sa karahasan laban sa mga katutubo bilang pangunahing negosyo na nagbebenta ng armas sa ating bansa. Iginiit niya na bomba at armas ng Estados Unidos ang patuloy na kumikitil sa buhay ng mga katutubo na dinedepensahan lamang ang kanilang lupang ninuno.
Pinalawig naman ni Kalikasan People’s Network for the Environment Spokesperson Jonila Castro. Paliwanag ni Castro na lumalala lamang ang militarisasyon sa mga komunidad at pinaunlakan pa ito ni Pangulong Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng mga ensayong militar kasama ang mga pwersa ng Estados Unidos katulad ng Balikatan Exercises.
Dagdag ni Castro na pribado din ang mga proyektong renewable energy kaya’t ang nakikinabang lamang sa produksyon nito ng enerhiya ay ang mga negosyante na pinagkakakitaan ang mga serbisyong panlipunan.
“Mananatiling huwad na solusyon ang renewable energy projects sa krisis sa klima dahil imbis na solusyon ay lalong kahirapan sa mamamayan at pagkasira sa kalikasan ang dulo’t nito. Sinong may pakana? Bilang sunod sunuran ng mga imperyalistang bansa at ahente ng malalaking korporasyon, si Marcos Jr. ang nagbubuyangyang at nagbebenta sa ating mga kabundukan,” ani Castro.
Naninindigan ang Climate Change Network for Community-based Initiatives na mahalaga ang renewable energy projects sa pagbabawas ng kabuuang emisyon ng bansa ngunit kinakailangang igalang nito ang karapatan ng mga katutubo na pag-arian ang kanilang mga lupang-ninuno na matagal na nilang tinitirhan at pinagkukunan ng kabuhayan.
Dagdag pa dito, isang pamamaraan ng pagpapatibay sa ating climate resilience ang pangangalaga sa kapakanan ng ating mga katutubo sapagkat sila ang pangunahing pwersa sa pagdepensa ng kalikasan. Gayunpaman, sila rin ang pangunahing dinarahas ng estado na kasabwat ng mga naglalakihang negosyante.
Kasama ang mga katutubo sa pagkamit ng hustisyang pangklima!




Comments