Likas-kayang Pagsasaka - Mga Kwento at Imahe ng Tagapagtaguyod ng Kalikasan: Benjamin Argayoso ng Bicol Farmers School
Dating mag-aaral si Benjamin Argayoso ng Tarabang Para sa Bicol - Bicol Farmers School mula sa ika-6 na pangkat ng mga mag-aaral. Matatagpuan sa mataas na bahagi ng Calabanga, Camarines Sur ang kaniyang sakahan kung saan tirik-na-tirik ang araw at malayo ang mapagkukunan ng tubig.
Sa paanan pa lamang papunta sa sakahan ni Tay Ben, kita mo na ang bakas ng matinding init. Bitak-bitak na ang lupa at nagkalat sa kaniyang malawak na bakuran ang mga tanim niya na pinya na hindi niya na napakinabangan dahil sa matinding init. Kwento niya na niluto ng matinding init ang kanyang mga pananim dahil direkta ang sinag ng araw dito.
Dahil sa pagdating ng matinding init, hindi niya na maisapraktika ang kanyang natutunan sa paaralan. Iginiit niya na bagamat mayroong pangmatagalan na bentahe ang likas-kayang pagsasaka, hindi maisagawa ito sapagkat wala na silang mapagkukunan ng tubig. Kwento niya na kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na mapagkukunan ng tubig at kulang din ng mga irigasyon ang karamihan sa mga sakahan sa kanilang rehiyon.
Gayunpaman, ayuda ang naging tugon ng pamahalaang lokal sa epekto nito sa produksyon. Agresibo na tinutulak ng Kagawaran ng Agrikultura ang mga programa na nagbibigay ng mga kemikal na mga pataba at abono. Mapalad pa si Tay Ben at mayroon siyang naisalba na mga ani sapagkat alaga ng likas-kayang pamamaraan ang kanyang lupa ngunit karamihan sa mga magsasaka ng Bicol ay naghihikahos pa rin sapagkat malaki ang pinsala dala ng tumitinding init.
Ipinakita rin ni Tay Ben ang isang kapatagan na inihanda na para sa panahon ng taniman. Kwento niya na nagpunla na ng libo-libong binhi ang mga magsasaka upang ihanda ang lupang pagtataniman nila ngunit nang dumating ang matinding init ay hindi na nila ito napakinabangan. Kamakailan lamang din tumaas ang presyo ng mga abono at pataba kaya para sa magsasaka na umaasa sa kanyang tanim, patuloy na baon sa utang ang karamihan sa kanilang komunidad.
Binigyang diin ni Tay Ben na tradisyunal man o likas-kayang pamamaraan ng pagsasaka, lahat ay labis na apektado ng init. Nangangamba na rin ang mga magsasaka sapagkat hindi pa ito ang ‘Super El Nino’ na inaasahan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na darating sa mga susunod na buwan.
Katwiran ni Tay Ben na kung gusto talaga ng gobyerno na tumulong sa mga magsasaka, itigil na nila ang pagbibigay ng mga abono at pataba na hindi naman nila mapapakinabangan at ayusin ang irigasyon at patubig sa kanilang bayan na matagal ng kahilingan ng magsasaka.
𝐓𝐔𝐍𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐑𝐄𝐏𝐎𝐑𝐌𝐀 𝐒𝐀 𝐋𝐔𝐏𝐀!




Comments