top of page

Likas-kayang Pagsasaka - Mga Kwento at Imahe ng Tagapagtaguyod ng Kalikasan: Jake Abila ng Bicol Farmers School

Aug 25
2 min read

Si Jake Abila ay dating mag-aaral mula sa ikatlong pangkat ng Bicol Farmers’ School na pinangungunahan ng Tarabang Para sa Bicol (Tabi) at ng Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) na naging instruktor nito matapos makapagtapos sa paaralan.


Isa siyang dalubhasang magsasaka ng likas-kayang pagsasaka na ginagamit ang kanyang mga natutunan sa loob ng paaralan sa kanyang maliit na taniman sa kanyang tahanan. Sa isang panayam kasama ang CCNCI, ibinahagi ni Jake ang bentahe ng likas-kayang pagsasaka.


Iginiit niya na higit na mas makakatipid ang magsasaka sa likas-kayang pagsasaka sapagkat natural na tumutubo sa sakahan ang mga materyales na ginagamit upang gumawa ng mga organikong pataba at abono. Katwiran niya na bagamat mas mahaba ang proseso sa pagbuo nito, higit na mas mura ito kumpara sa mga sintetiko at kemikal na mga abono at pataba.


Kwento niya na tali ang mga sakahan ng rehiyon sa isang ani lamang sapagkat nakatuon sa kita ang tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka. Gayunpaman, dahil monocropping ang praktika sa mga ganitong sakahan, tumitindi lamang ang paggamit ng pestisidyo ng mga magsasaka sapagkat tinatanggal nito ang natural na kaayusan ng lupa na nagtataboy sa mga insekto at hindi kaaya-ayang mga damo.


Katwiran ni Jake na may masidhing epekto sa kalusugan ng tao ang tradisyunal na pagsasaka sapagkat sinisipsip ng lupa ang mga kemikal na ginagamit ng magsasaka. Dagdag niya na hirap makalipat sa likas-kayang pagsasaka ang mga magsasaka ng Bicol Region sapagkat patuloy lamang ang pagtutulak ng pamahalaang lokal, kasama ang Kagawaran ng Agrikultura, sa mga sintetiko at kemikal na mga abono at pataba.


Hangarin ni Jake na gawing paaralan ang kanyang tahanan para sa mga magsasaka na gustong matuto ng likas-kayang pagsasaka. Tanaw sa kanyang maliit na bakuran ang ilan sa kanyang mga tanim na alaga sa likas-kayang pamamaraan. Ibinahagi niya rin sa CCNCI ang ilang mga materyales na ginagamit niya sa paggawa ng pataba.


Bukas sa lahat ng kahit na sinong gustong matuto ang kanyang tahanan sapagkat naniniwala siya na isa sa mga pangunahing hakbangin ng mga magsasaka na hindi matugunan ng pamahalaang lokal ang kakulangan sa teknikal na kaalaman at edukasyon. Dahil dito, isa si Jake sa mga naging instruktor ng BFS at naging miyembro din siya ng Farmers Inc. na isang organisasyon ng mga pesante sa naturang rehiyon.


Dahil sa kaniyang aktibong partisipasyon sa pagsusulong ng kapakanan ng mga magsasaka, nakatanggap si Jake ng panliligalig, intimidasyon, at pagmamatyag ng estado.


Gayunpaman, hindi natitinag si Jake at giit niya na hindi siya natatakot sapagkat alam niya na tagapagtaguyod lamang siya ng likas-kayang pagsasaka na nagnanais ng mas sustenable na kinabukasan para sa mga magsasaka ng kanyang komunidad.


Bagamat mayroon ng banta sa kanyang seguridad, ipagpapatuloy niya ang kanyang paaralan at patuloy na maipapamalas ang kanyang angking talento sa likas-kayang pagsasaka at ang bentahe nito sapagkat hangarin nito ibangon ang magsasaka mula sa isang sistema na naglulugmok sa kaniya sa palagiang krisis.


𝐓𝐔𝐍𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐑𝐄𝐏𝐎𝐑𝐌𝐀 𝐒𝐀 𝐋𝐔𝐏𝐀!

Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page