top of page

Likas-kayang Pagsasaka - Mga Kwento at Imahe ng Tagapagtaguyod ng Kalikasan: Julius Borjal

Aug 25
2 min read

Dating mag-aaral ng Tarabang Para sa Bicol - Bicol Farmers School si Julius Borjal mula sa ikatlong pangkat ng mga mag-aaral. Laki sa pamilya ng mga magsasaka, kwinento ni Julius sa isang panayam kasama ang Climate Change Network for Community-based Initiatives kung paano niya naisapraktika ang mga teknolohiya at kaalaman na itinuro sa kaniya ng paaralan.


Bakas sa tahanan ang kaniyang natatanging kaalaman sa likas-kayang pagsasaka. Ipinagmalaki ni Julius ang kaniyang tinatawag na "backyard supermarket" na kaniyang unti-unting binubuo mula sa mga organikong pataba at binhi. Tanaw din sa kaniyang tahanan ang kaniyang mga alagang baboy at manok na napagkukunan niya ng mga materyales para sa organikong abono.


Isang masugid na tagapagtaguyod ng likas-kayang pagsasaka, ibinahagi ni Julius ang mga pangunahing bentahe sakaniya nito. Pangunahin na dito ang bawas sa gastusin. Paliwanag niya na nagmamahalan na ang presyo ng mga sintetikong abono at pataba na siyang nagbabaon pa sa mga magsasaka lalo sa utang kapag hindi nakaani dala ng sakuna.


Dagdag niya na mayroong masidhing epekto din ang mga ito sa kalidad ng lupa na tinataniman ng mga magsasaka ng Bicol. Paliwanag niya na nagiging acidic ang lupa kapag sinipsip nito ang mga sintetikong abono kagaya ng Urea na siyang rason sa pagkabansot sa paglaki ng mga gulay, paglaganap ng kemikal sa mga ani, at pumapatay sa mga malusog na mikrobyo na nakakatulong sa paglago ng tanim.


Iba din ang lasa ng mga tanim na pinalaki sa sintetiko na abono at kemikal. Kwento ni Julius na pinipigilan niyang kumain ng kamoteng kahoy na bili sa merkado ang kaniyang mga magulang sapagkat maalat ito dala ng pagsipsip ng kemikal sa lupa. Binigyang diin din ni Julius ang masidhing problema ng paggamit ng glyphosate na isang herbicide na ginagamit sa sakahan upang tanggalin ang mga hindi kaaya-ayang damo.


Paliwanag niya na kapag ‘dinemolish’ ang lupa - ang terminong ginamit ni Julius upang ilarawan ang pagpapakalat ng glyphosate sa mga sakahan - at ikinalat ng hangin, maaaring ito makaapekto sa kalusugan ng tao. Ayon sa isang pag-aaral, maaaring magdulot ng sakit sa bituka at pagkasira sa balanse ng mga mikrobyo na naninirahan sa katawan natin.


Gayunpaman, bagamat malaki ang bentahe ng likas-kayang pagsasaka sa pagpapanatili ng kalikasan, iginiit ni Julius na hirap pa rin ang mga tradisyunal na magsasaka na makalipat sa ibang pamamaraan sapagkat kulang ng suporta mula sa pamahalaang lokal. Karamihan sa mga programa ng Department of Agriculture ay tali pa rin sa mga sintetikong abono at kemikal na pataba na siyang tinutulak nila sa mga pangkaraniwang magsasaka.


Gawa ng kawalan ng lupa, nakatali ang kaniyang sistema ng produksyon sa dikta ng mga nagmamay-ari ng lupa kaya napipilitan siyang gumamit ng mga mapanirang sintetikong kemikal. Gayunpaman, sa gitna ng tumitinding sakuna dala ng krisis sa klima, mahalaga ang lugar ng likas-kayang pagsasaka sa produksyon ng agrikultura.


Mungkahi ni Julius Borjal, kung ibig natin na manghikayat pa ng maraming magsasaka na isapraktika ang likas-kayang pagsasaka, kinakailangan ng tulong mula sa pamahalaan, lupang matataniman, at, higit sa lahat, pagmamahal sa kalikasan na patuloy na nagbibigay ng kaniyang yaman sa tao.


𝐓𝐔𝐍𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐑𝐄𝐏𝐎𝐑𝐌𝐀 𝐒𝐀 𝐋𝐔𝐏𝐀!


Comments


CCNCI

Climate Change Network for Community-based Initiatives

+63 2 8818 0069

bottom of page