Pagpapatuloy ng higit na kagutuman at kahirapan sa Rice Liberalization Law –CCNCI
- Guest
- Feb 13
- 2 min read

Ang ika-6 anibersaryo ng Rice Liberalization Law o RLL ay tanda rin ng 6 na taon nang pasakit ng batas sa mamamayang Pilipino. Pinaigting nito ang kahirapan at ang mas lumalala pang kawalan ng seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng hindi abot-kayang presyo para sa mga kumukonsumo na dulot ng di pagkakaroon ng malinaw at di maayos na suporta sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa IBON Foundation, sa ilalim ng Rice Liberalization Law (RLL) umabot sa 18.5% noong 2021 ang rice import dependency ng bansa mula 13.8% noong 2018 bago maipatupad ang RLL. Pumalo rin ang rice trade deficit sa halagang $1.2 bilyon (2022) na dati’y $819 milyon (2018) lamang. Ang trade deficit ay nangyayari lamang kapag nauungusan na ng dami ng importasyon ang eksportasyon ng mga produkto. Hindi magandang balita ang paglobo ng importasyon ng bigas gayong may kakayanan tayong magprodus nito at ngayo’y nagdesisyon pa ang Department of Agriculture na mag-aangkat ng 4,000 MT ng sibuyas sa mismong araw bago ang lokal na anihan sa bansa. Di malayong manatali at mas lumala pa ito sa pagpapatuloy ng pagsandig sa importasyon.
Maliban sa mga magsasaka, apektado rin ang mga konsyumer na bugbog sarado na rin sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kahit pa may pagbaha ng mga umano ay mas murang mga produktong imported. Ang mga magsasaka ay mga konsyumer din at apektado sa pagpapatuloy ng globalisasyong pinapanatiling atrasado ang agrikultura ng bansa kung kaya’t laganap ang kagutuman. 46.1 milyon o 42.7% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas noong 2018-2020 ang nakararanas mula katamtaman hanggang malalang kaso ng kagutuman ang naitala ng Food and Agriculture Organization. ₱206-billion naman ng kabuuan nilang kita ang nawala sa mga magsasaka simula 2019 nang umpisang ipatupad ang Rice Tarrification Law.
Ang lahat ng mga nabanggit ay maaaring mapapagaan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Rice Industry Development Act o RIDA. Maaari ring palaganapin ang organikong pagsasaka na makakatulong di lamang sa pag-angkop at pagbabawas ng epekto ng krisis sa klima kundi sa kabuuang kalusugan ng kalikasan at sustinableng pagsasaka. Makapagbigay ang pamahalaan ng sapat na sistema ng irigasyon, pasilidad para sa post-harvest, at suporta para sa pagbebenta, presyo at produksyon. Gayundin, paunlarin ang agham at teknolohiyang agrikultural at itigil ang walang habas na kombersyon at reklamasyon ng lupa at tanim.
Nakikiisa ang CCNCI sa patuloy na pagpapanawagan na ibasura ang RA 11203 o Rice Tariffication Law tungo sa pagpapagaan ng krisis sa kagutuman at kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang lokal na kinakailangan ng mga magsasakang Pilipino. Pagkakaroon ng maayos at malinaw na plano sa pagpapaunlad ng produktibidad ng lupa at pagsasaka tulad ng pangunahing pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.
Tungkulin ng pamahalaan na siguraduhing hindi kumakalam ang sikmura ng kaniyang mamamayan at tungkulin ng mamamayan na sinisiguro ito ng kaniyang pamahalaan. Kaya’t nagbibigay daan ang eleksyon sa darating na Mayo 2025 upang maihalal ang mga kandidatong makabayan at tunay na nagsisilbi sa taumbayan para sa mga inaasam na pagbabagong ito. Makapangyayari lamang ang sustinableng kinabukasan sa pagkakaroon ng pamahalaang tinutugunan ang kahirapan, walang bahid ng korapsyon, at may pananagutan sa kanyang nasasakupan.
Comments