CCNCI JOINS THE STRIKE AGAINST THE OIL PRICE HIKE!
ICYMI: Ikinasa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang welga ng bayan laban sa oil price shock kaninang umaga ng Marso 20, 2026 upang panagutin ang pamahalaan na walang kibo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng langis.
Nag martsa patungong Mendiola Peace Arch ang mga tsuper ng Piston upang muling igiit ang kanilang mga panawagan. Kabilang dito ang agarang pagbasura sa value-added tax at excise tax sa mga produkto ng langis, roll back ng presyo ng langis balik sa P55 kada litro, ang pagsasabatas ng P5 fare hike at P1200 family living wage, at ang pagtigil sa gyerang agresyon ng US at Israel sa kanlurang Asya.
Nakiisa din ang mga makakalikasan sa welgang bayan ng Piston. Pahayag ng Kalikasan People's Network for the Environment na pumalo na ng P100 - 120 ang kada litro ng langis at imbis na agapan ito ni Pangulong Marcos Jr. ay ipinagkait pa niya ang nakaambang P1 na taas-pamasahe.
Iginiit ng grupo na pasan-pasan ng mamamayang Pilipino ang bigat ng masidhing epekto ng imperyalistang giyera sa bansa na siyang pinagkakakitaan ng mga cartel ng langis na pinaunlakan pa ng mga neoliberal na polisiya kagaya ng Oil Deregulation Law at ng PUVMP.
Binigyang diin naman ng Climate Change Network for Community-based Initiatives (CCNCI) na banta ng pagtaas ng pandaigdigang emisyon ang lumalalang imperyalistang agresyon ng Estados Unidos laban sa Iran.
Ang mga emisyon dala ng mga operasyong militar ay isang salik ng krisis sa klima na madalas na hindi nauulat bagamat mataas ang kontribusyon nito sa kabuuang porsyento ng pandaigdigang emisyon.
Naninindigan ang CCNCI, kasama ang mga makakalikasan, na ang pagtatanggol sa kalikasan ay nangangailangan ng hustisyang panlipunan. Huwad na solusyon sa krisis sa klima kung hirap makahinga ang ating mga batayang sektor.




Comments